Tuesday, April 11, 2017

Kamusta?




Malaking bilang rin mula sa mahabang araw, mapa buwan, at halos magtataon na ng nawalan ako ng access sa account na ito dahil sa ilang pansariling kamalian at pagiging makalimutin.
Ito rin siguro ang naging dahilan ng pagbaba ng pakiramdam ko upang magsulat muli noon.

Ngunit natapos ring magbiro ang tadhana, tinulungan rin ako nitong makatanda upang muling mabuksan ang proyekto kong ito. Maaaring hinayaan muna ako ng tadhana na titigan at pagtuunan ng pokus ang mga kailangan at responsibilidad ko bago naman ito.


Subukan ko munang magbaliktanaw sa mga araw, buwan, at taong lumipas; susubukan ko ring kahunin ang mga naging pangyayari ngunit hindi ko kakayaning madetalye ang bawat karanasan:

Una, naging magaspang...

May mga proseso tayo sa ating buhay na hindi kasing kinis ng mga batong ikinayod ng alon ng mahinahon, dahil may mga pagkakataong dumadaan rin tayo sa mga karanasan kung saan nakikita natin ang mga kaiklian ng buhay, at kailangan natin itong ramdamin at sulitin. 

Sa loob lamang ng iisang taon ay magkasunod kong tinunghayan ang huling araw ng paghahatid namin sa aming mahal na Lola Marta at Lola Ofel; ang dalawa sa mahahalagang babae sa buhay ko ay nagpaalam na muna upang sila ay makapagpahinga na. 

Matagal rin silang napagod sa pagtaguyod ng kanilang mga pamilya, kung saan nanggaling ang aking mga magulang. Malaki ang mga natutunan ko sa kanila, ang hindi matapos-tapos na mga kwentong bukid, siyensya, mapa-musika, at mga karanasang mayayaman, nakakatawa, at 'di malilimutan. Sa paglisan nila, hindi kalungkutan ang kanilang ipinabaon ngunit mga masasayang ala-ala at buhay na dapat ipagdiwang. 

Sunod, naging mapaghamon...
May mga araw sa sarili natin kung saan dumaraan rin tayo sa pagtatanong sa ating sarili kung nasaang yugto na ba tayo, o bakit parang pakiramdam natin ay ang layu-layo natin sa mga pangarap na gusto nating makita o maranasan. Pero ano nga ba ang hinahabol natin? Naranasan ko noon na para bang ilang araw akong walang sapat na tulog kakaisip sa kung anong yapak ang sunod kong tatahakin. Kailangan ko bang tigilan na ang tinatahak ko ngayon.


Oo, tama. Inisip ko noon na tumigil sa aking pag-aaral sa kolehiyo, may pakiramdam na para bang naliligaw ako sa kung anong mga akademikong bagay ba ang tumatak sa isip ko? 

"Anong natandaan ko?" bulong ko sa sarili.

O pagtingin na sa ginugol ko ng ilang taon, bakit hindi ako sigurado kung may natutunan ako? Pero ang mga dahilan ring ito ang nag-udyok sa akin na hindi hanapin kung saan ako magaling, hindi masilaw sa mga kumikinang na ligaya, at hindi hanapin ang katauhan ko base sa mga numerong hindi naman mailalathala ang kabuuan ng aking pagkatao.


Sunod, naging masagana... 
Naging mahalaga rin sa paglilipat-diwa ko ang mga dumaang araw sa mga naging desisyon ko at susunod pang hahakbangin. Sa pagkakataong ito, marami na rin ang pansarili kong nakamit tulad ng pagtapos namin sa tisis namin, pakikipagsabakan ko sa maraming proyekto, exhibits, at mga bagong nakilalang ilan mula sa larangan ng sining, musika, pagsulat, pagkuha ng litrato, at marami pa.


Panghuli,...
may yabang kong sasabihin na, nakapagtapos na ako! Opisyal na ang pagkakaroon ko ng di-gradwadong akademya at diploma sa B.S. in Psychology


Sa mga araw na ito, aaminin kong marami na rin ang lumisan, tinalikuran, nagpaalam;mga bagay na hindi na magagawang muli, mga bagay na nakamit at napagtapusan na, may mga bagay rin na bumalik at nagbubukas ng bagong bintanang sisilipin at mga bagong pintuang bubuksan…


Ikaw, kaibigan…
Kamusta ka na?

No comments:

Post a Comment