Wednesday, April 12, 2017

Ang Pagbaliktanaw sa naging Pakikipamuhay


Sa pangkaraniwang siklo ng umaga ko, nagsisimula ito sa mga tunog at kahol ng asong nag-aanyaya na dapat akong gumising, kasabay ang mga birada ng mga tambucho ng mga namamasadang motor sa kalsada na nag-uunahan sa kanilang mga buena-mano na mga pasahero. Isabay mo pa ang mga lagabag ng martilyo sa mga yero at bakal ng katabing bahay naming talyer na bubulabog sa umaga mong bugnot at may bakas pa ng puyat sa kinagabihang pagbababad sa pagbabasa, pag-aaral, o kung minsan’y paglilibang.

Alam ko naranasan nyo na rin na may napupuntahan kayong lugar na kahit unang beses pa lamang ay may pakiramdam na para niyo na itong tahanang kabisado, kahit ang talampakan niyo’y ligaw pero sa lupa ng lugar na ‘yun ay umugnay at yumakap.
Ayan ang naramdaman ko noong nakipamuhay kami sa Brgy. Inayapan.


Pagkagising mo’y yayakapin ka ng hamog, papaalalahanan kang huminga ng malalim, ang pag-unat mo ay sasabayan ng mga orkestradong tunog ng mga huni ng ibon, tilaok ng manok, sa likod bahay 
pa ay may maginhawang agos ang ilog na mapang-anyaya na ika’y lumublob at maligo, at may mga maaaga ring pagkwekwentuhan ng mga magkakabaryo.


Salubong nga sa amin noon nila Nanay Editha at ni Tatay Alex, ang nagkupkop sa aming pamilya, ay ang mga maiingat nilang pagtuturing sa amin.
“...kamusta ang naging tulog niyo?... hindi ba kayo nilamok?...”
tanong nga ni Nanay Editha matapos ng unang gabi ng tulog namin doon. 


Natuloy ang mga pagkwekwentuhan at malalim na pagpapakilala sa ilalim ng gawang bahay kubo para sa pwesto ng lutuan at hapagkainan; habang patuloy na naghahanda si Tatay Alex ng mga panggatong sa lutuan, at sabay-sabay rin kaming nahigop sa mga tasa naming may nakatimplang mainit na kape.



Naging balot ang mga sumunod pang dalawang araw ng mga kasiyahan at pati rin pagkwekwentuhang malalim tungkol sa karanasan, buhay, at pati rin ng mga paghahangad na sana ay madagdagan pa ang mga araw na ilalagi namin sa lugar na iyon. Isama na rin ang mga paglalakad sa tabi ng bukiran tuwing umaga man at maging pagdating ng hapon, ang pagtulong sa pag-iigib ng tubig para sa aming paliguan sa tinitirhang bahay, at ang dalawang beses sa isang araw na masayang pagbababad at pagligo sa ilog.


May preskong daloy, alay sayo ay lamig, kung minsan ay bibiglain ka kaya mapapanginig yung bibig at baba mo; at malilibang ka rin dahil may mga maliit na isda at talangka kang puwedeng mahuli pero kailangan mo rin itong paanurin dahil kailangan pa nilang lumaki at maglakbay, maaaring agusin man sila ng lakas ng agos ng ilog, pero may iilan diyang hihiwalay, lalaban at hindi susunod sa agos.


Ang saya rin, mapapangiti ka nalang bigla kapag nagbabaliktanaw ka.
Kaya sisiguraduhin kong babalik ako doon.













No comments:

Post a Comment