Tuesday, April 18, 2017

Ilang Pursyentong Paghahanap ng Hindi Alam.




May mga pagkakataong nakakaramdam rin ang pag-iisip ko ng sarili nitong pagtatakbo, tila ba isang batang hindi mapakali; masyadong napagbigyan ng biyaya ng asukal sa katawan, ilang pursyentong kakulitan, at malaking tagay ng hindi pagiging pirme sa iisang lugar.

Noong bata pa ako, tanda ko pa noong nakatira pa kami sa dati naming bahay, may mga panahong simula alas tres ng hapon ay nagpapaalam na ako sa magulang ko na lalabas ako para makipaglaro sa may kalye. Pero may mga hindi tayo mapipigilang pagbabago, nakaramdam rin ako ng pagtataka noong nakikita na namin kung paano paunti-unting nauubos ang mga sumasali sa pagpapatintero, luksong baka/tinik, at pagbebente uno namin tuwing gabi. Ang maaari lang naming dapat sisihin noon ay ang nagsisibukasan na mga kompyuteran na sa halagang bente pesos (20php) ay makakatitig ka na sa isang mala-telebisyong parisukat sa loob ng dalawang oras, at marami ka ng maaaring makita na bago sa iyong mundo. Siguro ayun ang pinagpalit nilang halaga sa walang kasiguraduhan nilang pagkapanalo o pagkatalo sa mga laro namin sa kalye.

"Ma, lalabas lang ako! nagyayaya maglaro sila Toto!" sinigaw ko pa noon.
Habang paunti-unti na akong lumalabas sa gate namin kahit hindi pa napayag ang nanay ko. Pero nagsinungaling rin ako, para may dahilan lang ako para makalabas. Doon kasi ako natututo na maglakad ng malalayo, mga lakad na mabagal, titingin lang sa mga bahay na walang laman at may laman o kaya kita mo yung lungkot o saya sa nakatira, pagtingin sa pinagkaiba ng tindahang ito at tindahang iyon, anong plaka ng sasakyan ang makakabisado ko bago ang susunod na sasakyan, at titingnan ang mga nakakasalubong ko na tila ba kakausapin ko sila tatanunging: —“…uy, Ano kaya iniisip mo?”

Ngayon? —Iba na dahilan ko, o kaya minsan wala na, nagpapaalam na lang akong lalabas.
Saan pupunta? —Hindi ko alam, at wala akong sigurado. May dala at bitbit lang akong kamera, yung maliit para hindi halata at hindi rin takaw mata, isang bote ng tubig, pitakang singkwenta pesos (50php) lang ang laman, at librong walang takdang panahon kung kailan ko matatapos basahin.

Tunog ng kalsada’y maingay, harurot ng mga motorsiklong hingal para ihatid ang pasahero nilang uuwi na para sa imbitasyon ng kamang magpahinga, pati na rin ang mga jeepney na hindi padadaig sa mas malalaki pang sasakyan dahil si Manong Drayber ay bugnot na sa init ng maghapon n’yang pamamasada at ang makina niya ay sumisingaw na.

Tututukan ko muna, tititigan;
Hindi ko tatanungin ang mali sa aking kinukuhanan, kasi mayroon lang akong gustong makita.
Pipindutin ko ang kamera, at sisilipin muli ang nakuhanan;
Hindi ko alam kung ang nakuhanan ko ba ang sagot sa hindi ko tinatanong, kasi mayroon lang akong gustong makita.

Nakaka-trenta na ako ng pinipitikan ng litrato;
pero bakit parang may hindi ako pagkakuntento, lahat naman may istorya,
o para bang lagi akong may ilang pursyentong paghahanap na hindi pa alam, 
hindi ko pa alam kung ano.
Hindi ko siguro alam kung ano.






No comments:

Post a Comment