Wednesday, April 8, 2015

Ang Pag-gunita at Kanilang Pagpepenitensya

Alas-siete ng umaga ng biyernes, sa Sta. Cruz, Lubao, Pampanga -- bayan kung saan naroon ang mga ninuno at kamag-anakan sa dugo ng tatay ko; isang lugar na malapit narin sa aming pagkabata, hanggang sa paglaki; at isa naring bayang may pakiramdam na tahanan sa amin.

Lahat ay nakatapos na ng pag-inom ng kani-kanilang mainit na kape o lokal na tsokolate,
may pailan-ilan na paunti-unti lang nagwawalis at naglilinis ng kagabing kalat dala ng hangin;
ang iba naman ay abalang-abala sa pag-aasikaso ng kanya kanyang gagawin.
Ngunit, mas marami ang nag-abang sa may kantong labas ng bahay;
Biyernes Santo nga pala ng araw na iyon, Ika-3 ng Abril, 2015;
araw kung saan gugunitain ang naging pagpapakasakit, pagpapahirap, at naging pagpapako sa krus ni Kristo; at para sa ilan ang araw ding iyon ay magiging araw ng kanilang Pag-gunita at Pagpepenitensiya.

Bago 'yon, araw ng Huwebes ng dumating kami upang bumisita narin sa ilang kamag-anak, at lalo na sa Lola namin na kasalukuyang nang bumabalik ang sigla mula sa kanyang naging malubhang sakit. Nandyan rin ang masayang pangungulit ng mga nakababatang pinsan na may tinatanong na
"...kuya, manonood ka ba ng namumusang krus?", "...kuya, nood tayo ng namumusang krus."
*Namumusan, ang kapampangan na salita ng 'namamasan'.